NBI: Kailangan pag-aralan, ikompara ang 3 awtopsiya sa OFW na nasawi sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 06:35 AM

Hindi kombinsido ang National Bureau of Investigation sa naging resulta ng kanilang awtopsiya sa labi ng OFW na namatay sa Kuwait.

Inilabas ng NBI ang pahayag nitong Biyernes pagkatapos ng pagsasagawa ng forensic examination ni Constancia Lago Dayag, na pinaniniwalaang pinag-samantalahan pa.

Pero sinabi ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin hindi pa nila mailalabas ngayon ang resulta ng awtopsiya.

Aniya, katatanggap lang nila ng resulta ng unang awtopsiya sa labi ng OFW na isinagawa Kuwait Forensic Department, na unang nag-deklara na "natural cause" ang sanhi ng pagkamatay ni Dayag.

Nasa "state of decomposition" na ang ilan sa vital organs ng labi ng OFW na kailangang masuri kaya hirap matukoy ang dahilan ng pagkasawi nito, ayon sa mga awtoridad.

Kino-konsidera ng NBI ang resulta ng awtopsiya ng Kuwait at ng resulta ng pangatlong awtopsiya sa labi ng OFW na isinagawa ng ibang grupo ng mga eksperto.

Ayon kay Dayag, kailangan nilang pag-aralan at ikompara ang resulta ng 3 awtopsiya para sa mas matibay na konklusiyon.

Mayo 14 nang dinala si Dayag sa Al Sabah Hospital sa Kuwait bago siya idineklarang dead on arrival. Mayo 23 nang maiuwi sa bansa ang labi niya.

Sa isinagawang case conference ng NBI, Department of Labor and Employment at Department of Foreign Affairs (DFA) Biyernes, may ilang dokumento pang ibinigay ang DFA sa NBI na may kaugnayan sa imbestigasiyon sa pagkamatay ni Dayag.

Sinampahan ng "felony murder" ng Kuwaiti General Prosecutor’s Office ang employer ni Dayag na si Bader Ibrahim Mohammad Hussain. — Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News