Mga nurse sa isang pagamutan sa QC ilang buwan nang di sumasahod

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 05:30 PM | Updated as of Jun 22 2019 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Ilang buwan nang hindi umano sumusuweldo ang maraming nurse sa United Doctors Medical Center (UDMC) sa QC, batay sa reklamo sa ilang empleyado nito.

Ayon sa kanila, lahat na ng paraan ay ginawa nila para mapansin ng management ang kanilang problema.

Karamihan pa sa kanila, lagpas 8 oras na ang trabaho dahil sinasalo ang ibang kasamahang uma-absent.

Si alyas "Airah," 2 dekada nang nursing aide sa UDMC.

"Paano naman kaming may mga anak na nag-aaral? Wala na kaming masustento . . . Napalayas na ’ko sa bahay namin. Sa’n kami titira?" hinaing niya. 

Ayon naman sa staff nurse na si alyas "Garlyn," matagal na silang nagtitiis sa delayed na suweldo pero di maiwan-iwan ang trabaho.

"Kami mga registered nurses kami, may sinumpaang tungkulin kami, kapag inabandona namin ang mga tungkulin namin, lisensiya namin ang nakataya," aniya. 

Tanong naman ng staff nurse na si alyas "Clarice" sa may-ari ng ospital, bakit pati ang mga mandatory contribution nilang manggagawa ay hindi rin maisaayos?

" ’Yung mga benefits namin na kinaltas niyo sana ihulog niyo kasi kinaltasan niyo kami. Responsibility niyo ’yun as employer," aniya.

Paulit-ulit na kinontak ng "Tapat Na Po" ang pamunuan ng UDMC sa pamamagitan ng mga email, tawag, at sulat para kunin ang kanilang panig pero wala silang sagot o inisyung statement. 

Alam na ng Department of Labor and Employment ang kalbaryo ng mga manggagawa dahil nangyari na rin pala ito noong 2018.
    
"Sa proseso natin bibigyan natin sila ng tsansa makapagbayad, kung hindi [sila makatupad], ang proseso po natin ay mag-issue tayo ng writ of execution," ani DOLE Undersecretary Ana Dione.

Ayon sa Social Security System (SSS), delingkuwenteng employer ang UDMC dahil mula 2014, may problema na ito sa hulog kung saan umaabot na sa mahigit P6 milyon ang utang nito.

May demand letter na rin ang PhilHealth sa UDMC para isumite ang remittance reports dahil kulang-kulang daw ang hulog.

Sa record naman ng Pag-IBIG Fund, hanggang Enero 2019 pa lang ang naihulog ng UDMC para sa kanilang mga empleyado.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-message lang sa Facebook page ng "Tapat Na Po."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.