'Tisoy, ginawan ng kuwento upang makulong'; Giit ng QCPD: nanggulo siya

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 12:08 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

• CHR nakikipag-ugnayan na sa pamilya ni Tisoy
• Inalis na sa puwesto ang jailer at station commander
• Ngayon pa lang natanggap ng QCPD ang ulat ukol sa pambubugbog

Nanindigan ang pamilya ni Genesis Argoncillo, alyas "Tisoy," na namatay habang nakadetene noong Martes, Hunyo 19, na ginawan lamang ng kuwento ang lalaki upang siya'y maaresto noong Biyernes, Hunyo 15.

Sabi ng kapatid ni Tisoy, maging ang ebidensiyang bote ng alak ay ipinahawak lang umano kay Tisoy upang magkaroon ng basehan sa paghuli sa kaniya.

"Kahit sino diyan tanungin walang gulo kapatid ko... pinahawakan niyo pa bote sa kaniya para may makita kayo ebidensya lahat ng kasinungalingan ginagamit niyo," ani kapatid ni Tisoy na si Marilou Argoncillo.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), madaling araw ng Martes namatay si tisoy dahil umano sa jail congestion. 

Dinetene rin anila si Tisoy dahil sa reklamong alarm and scandal.

Sabi rin ng QCPD, hindi naaresto si Tisoy dahil sa Oplan Galugad.

"He was not arrested for operation tambay or discipline crimes, he was arrested because there was a call for an alarm and scandal, he was totally drunk and he was challenging people to a fight so my policemen, as reported to me, responded to the call," ani QCPD Director Chief Superintendent Joselito Esquivel.

Kuwento naman ng ilang kapitbahay ng mga Argoncillo, tahimik ang kanilang lugar noong gabing hinuli si Tisoy.

"Si Tisoy na 'yan bihira bumaba ng bahay 'yon... wala po, hindi nag-iingay 'yon... galing sa shop umuuwi 'yon, kakain, matutulog, natiyempuhan lang nakahubad," sabi ng kapitbahay na si Alfonso Ascura.

Base sa record ng Barangay Sauyo, June 15, alas-9:30 ng gabi, dinala si Tisoy at ang anim na iba pa sa barangay. 

Ang violation ay ang kawalan ng damit pang-itaas. 

Hindi naman masagot ng taga-barangay kung bakit binura ang pangalan ni Tisoy at ang isa pa.

"Pumunta rito pulis kasi nagkaroon sila ng Operasyon Galugad nagpa-assist sila sa barangay... papel ito ng pulis, di kami puwede makialam dito," ani Emmanuel Jalandoni, deputy barangay public safety officers ng Barangay Sauyo.

Pero sa naunang spot report ng QCPD Station 4, alas-10:30 ng gabi nahuli umano si Tisoy ng mga pulis sa Sauyo dahil sa panggugulo.

Giit naman ng kaanak ni Tisoy, ilegal ang pagsampa ng reklamo sa kaniya. 

Hindi rin sila sang-ayon na jail congestion ang ikinamatay ni Tisoy.

"Noong umpisa pa lang, binubugbog na siya sa loob, napakainit, kaya pinapatatag ko loob niya," ani Marilou Argoncillo.

"You have to complain to enforce your right... even the doctor that pronounced him dead, signed his name that there was no external injury at the time of death. Where are these wounds that they are telling? But anyway we respect them. That may be due to grief. They can file a complaint," ani Esquivel.

Nangako naman ang Commission on Human Rights 
(CHR) na tutulungan ang pamilya ni Tisoy sa pagsampa ng kaso.

"Nagpadala na kami ng quick reaction team namin. This has to be investigated by the police themselves and we are going to monitor kung ano man ang results ng investigation," ani CHR commissioner Gwen Pimentel. 

INALIS SA PUWESTO

Inalis na sa puwesto ang Quezon City Police District (QCPD) station commander ng presinto kung saan nadetene si Argoncillo.

Iniutos ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde na tanggalin agad sa puwesto si Superintendent Carlito Grijaldo habang iniimbestigahan ang pagkamatay ni Argoncillo. 

Iniatas din ni Albayalde na siyasatin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Superintendent Guillermo Eleazar kung dapat alisin din sa puwesto si Esquivel.

Ayon naman kay Esquivel, nakakuha pa lamang sila ng kopya ng death certificate ni Argoncillo mula sa kaniyang pamilya nitong Huwebes.

"We will get to the bottom of this. As of now what we have are circumstantial, we have yet to verify the death certificate that was provided through electronic means," ani Esquivel.

Mistulang naiba rin ang tono ni Esquivel mula sa nauna niyang pahayag na hindi umano ginulpi si Argoncillo habang nakadetene.

"There seems to be parang binugbog 'yung si Genesis ng suspect as attested by 2 witnesses," ani Esquivel.

Mga kasamahang inmates umano ang nasa likod ng pambubugbog at nakuha lamang nila ang impormasyong ito nitong Huwebes mula sa pag-iimbestiga ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit.

Wala naman aniyang ebidensiyang nagsasabing direktang may kinalaman sa pambubugbog ang mga pulis sa presinto.

Gayunman, inalis na rin muna si Police Officer 3 Dennis Saño, ang jailer o ang pulis na nagbabantay sa detainees noong magulpi umano si Argoncillo.

-- Ulat nina Angel Movido, Raffy Santos, at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.