Seguridad sa resulta ng drug test sa mga estudyante, pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 03:15 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

May alinlangan ang isang human rights group sa epekto ng nakatakdang random drug test para sa mga high school student sa bansa. 

Anila, hindi matitiyak ang seguridad sa resulta ng drug test na isasagawa ng Department of Education (DepEd) sa 382 na mga pampublikong high school sa bansa.

"Magtataka 'yong mga kaklase bakit nawawala 'yong estudyante. Malalaman at malalaman 'yan sa school, 'kasi itong si ano is going on an intervention program' and they would conclude that he or she was tested positive," ani Rowena Legaspi, executive director ng Children's Legal Rights and Development Center (CLRDC).

Pangamba ng grupo, baka makaabot sa drugs watch-list ang mga estudyanteng magpopositibo sa drug test.

"In our experience in working with the community, 'yong barangay they know all the stories, kahit na sabihin mo 'bata 'yan bakit niyo pinag-uusapan 'yong kuwento ng bata tungkol sa kaso'," dagdag ni Legaspi.

Sinisigurado naman ng DepEd na magiging maingat anila ang paghawak sa pagkakakilanlan ng mga lalabas na positibo sa droga.

"We know, it's the after care [that] can be a potential source of such a leakage [and] we are beefing up our capacity to reduce to a minimum those who will be privy to the results," ani DepEd Assistant Secretary Nepomuceno Malaluan.

Tuloy na

Isasagawa ang drug test sa higit 14,000 na mga mag-aaral na napili sa pamamagitan ng computerized lottery.

Ngunit bago ang nakatakdang drug test, ipapatawag muna ang mga estudyante upang ipaalam ang buong proseso.

Kokolektahin ng Department of Health (DOH) ang urine sample ng mga estudyante at nakatakdang lumabas ang resulta makalipas ang 15 araw.

Kung positibo sa droga ang estudyante, tatawagin ang pamilya nito para makipagpulong sa doktor ng DOH upang malaman ang angkop na tulong para sa mag-aaral.

-- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.