Unang summa cum laude ng UP Mindanao ipinagmalaki sa graduation rites

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 08:37 PM | Updated as of Jun 21 2019 08:55 PM

DAVAO CITY - Labis ang tuwa ng 352 na mga estudyante ng University of the Philippines (UP) Mindanao na nagsipagtapos nitong Biyernes.

Bida sa kanilang graduation rites ang 22 anyos na si Pete Maverick Nichole Estudillo, ang pinakaunang summa cum laude sa Mindanao campus ng unibersidad mula 1995.

Nakuha ng Food Technology graduate ang marka na 1.19.

Inspirasyon daw niya ang ina na si Ivy na nagtatrabaho sa isang poultry farm at mag-isang nagtataguyod sa kanilang dalawang magkapatid.

Ayon kay Ivy, proud siya dahil honor student na ang anak mula pre-school. Naging exchange student pa sa Japan si Estudillo. 

Ayon naman sa adviser ni Estudillo na si Joel Hassan, masipag at masigasig ito sa kaniyang pag-aaral.

Payo ng summa cum laude sa ibang kabataan na mag-pursige sa pag-aaral upang magtagumpay sa buhay.

“Believe that you will get there, and as long as you love what you’re doing you will overcome,” ani Estudillo.

Limang malalaking kompanya na ang nai-ulat na nag-aalok ng trabaho kay Estudillo.

May 13 magna cum laude at 80 cum laude rin sa mga nagsipagtapos sa UP Mindanao ngayong taon. - Ulat ni Andoreena Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.