Ilang grupo, may alinlangan sa panukalang 'work from home'

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 01:40 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-aalinlangan ang ilang grupo sa panukalang batas na nagsusulong sa sistemang "work from home" o ang pagtatrabaho ng isang manggagawa nang hindi sa loob ng opisina.

Inaalala ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang posibleng epekto ng work from home sa kakayahang mag-organisa ng mga manggagawa para sa collective bargaining.

Hindi rin anila naaayon ang work from home sa lahat ng klase ng trabaho kahit pa sinusuportahan ng ALU ang panukalang batas dahil tingin nila'y makababawas ito sa traffic at gastos para sa mga manggagawa, pati na rin sa mga employer.

Magbibigay rin daw ito ng employment opportunity sa persons with disabilities.

"It's a big challenge for independent contractors... to organize themselves and collectively bargain for better wages, benefits, and social protection insurance. Hindi rin applicable ang work from home sa lahat ng type of work," ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP.

Sinegundahan naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang sinabi ng ALU-TUCP na hindi angkop ang sistemang work from home sa ilang sektor ng paggawa tulad sa manufacturing industry.

"Hindi mo naman puwedeng... magtrabaho ka sa bahay, paano mo patatakbuhin ang makina?" ani Donald Dee, presidente ng ECOP. "Now this helps in the offices and I'm all for it because you save on transportation costs, it helps the traffic."

Pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara noong Hunyo 16 ang House Bill 7402 o Telecommuting Act na nagbubukas sa mga alternative work arrangement tulad ng work from home scheme.

Base sa panukala, voluntary ang telecommuting program pero hindi dapat mabawasan ang sahod at benepisyo ng manggagawa at kailangan pa ring ipatupad ang mga labor standard sa oras ng trabaho at pahinga.

Ang digital business analyst na si Roy Donor, iniisip nang itanong sa kaniyang boss kung puwedeng sa bahay na lang siya magtrabaho lalo't karamihan sa kanyang trabaho at pakikipag-ugnayan sa kliyente ay ginagawa niya sa pamamagitan ng computer at internet.

Tingin niya, mas magiging produktibo siya sa trabaho kung nasa bahay dahil komportable at nakakaiwas pa siya sa hirap at gastos ng pag-commute papasok sa opisina.

"Nasa comfort ka ng sarili mong bahay, then you don't have to go through the hassle of commuting every day to work... I live two hours away from the office," ani Donor.

Ayon naman sa Bureau of Local Employment ng Department of Labor and Employment (DOLE), pinag-aaralan na nila kung saang mga industriya puwedeng ipatupad ang telecommuting.

Kabilang sa tinitingnan nila ang mga trabahong may kinalaman sa sales, turismo, at research work.

Mayo pa nang maipasa ang Senate version ng panukala.

Bumuo na ang DOLE ng technical working group para simulan na ang pag-aaral.

Inaaatasan din kasi ang ahensiya na magdisenyo ng tatlong taong pilot program sa mga mapipiling industriya o kompanya bago pa man ang full implementation kapag naisabatas ang panukala.

-- Ulat nina Zen Hernandez at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.