Seguridad sa vital installations sa E. Visayas, mas hinigpitan

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 11:37 AM

Photo courtesy of PRO8

TACLOBAN CITY - Nagsagawa ng inspeksiyon sa ilang vital installations sa Eastern Visayas ang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 8, sa pangunguna ni Chief Superintendent Elmer Beltejar.

Ayon sa impormasyon mula sa PRO, isa sa mga pinuntahan ng opisyal ang isang oil depot sa bayan ng Babatngon, Leyte.

Sa impormasyon mula kay Police Senior Inspector Delfin Bardillon, hepe ng Babatngon PNP, siniguro ng Regional Director ng PNP na may sapat na puwersa na nagbabantay sa nasabing oil depot.

Binisita rin nito ang istasyon ng pulisya sa naturang bayan at ipinaalala sa bawat pulis na manatiling alerto sa anumang oras. 

Isinagawa ang pag-inspeksiyon kasunod ng pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Maasin sa Iloilo.

Sinusuri pa rin ng awtoridad ang mga impormasyon na magsasagawa rin ng katulad na pag-atake ang mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.