Ombudsman Morales, lalaban pa rin sa katiwalian, pero di papasok sa politika

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 12:39 AM | Updated as of Jun 20 2018 12:43 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagretiro ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa Hulyo 26, inaasahan niyang di pa matatapos ang mga tira sa kaniya dahil sa mga inimbestigahang kaso.

Handa naman siyang dumepensa rito at ipagpatuloy pa rin ang laban kontra sa katiwalian.

Pero agad niya ring nilinaw na hinding-hindi siya sasabak sa politika.
 
"I might change my mind but I'm firmly not for politics," ani Morales. "You can still serve the public without any position by being an advocate against corruption."
 
Ilang personalidad at mga grupo ang nanliligaw kay Morales na maging aktibo sa publiko.

"Some people have been wooing me to run. Or if not to run, then to lead a certain group. So sabi kong ganiyan, 'please allow me naman breathing space. I need at least three months to fix my things.'" 

Dagdag ni Morales, ipinagbabawal din sa batas ang pagtakbo niya sa susunod na eleksiyon.

"The Ombudsman, his Deputies and the Special Prosecutor shall not... be qualified to run for any office in the election immediately following their cessation from office." saad ng bahagi ng isang talata sa Section 9 ng RA 6770 o The Ombudsman Act of 1989.

Pero aminado si Morales, kahit sa pagretiro, maaaring di sya patahimikin ng ilang kritiko. 

"So maybe they are frustrated na hindi man lang natuloy ang impeachment ko, so probably that will be their chance to throw mud at me. I'm ready," anang Ombudsman.

Naging malaking hamon kay Morales ang kaso ng mga makapangyarihang tao tulad nina dating Pangulong Gloria Arroyo, Vice President Jejomar Binay, at Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla.

Nanghihinayang siya sa ilang dinidinig pa na kaso tulad ng pork barrel scam at ang pag-dismiss ng Korte Suprema sa plunder case kay Arroyo.
 
"We did our best. If the best that we did didn't meet the expectation of the public, so be it. But all our work was done with good faith. It was never laced with bad faith," ani Morales.

"The frustration wears off after some time, you have to move on. And that's what I did."

Ipinagmalaki naman ng kaniyang tanggapan ang mga naaksiyonang minana at bagong mga kaso. 

Ang conviction rate sa Sandiganbayan ay lumundag din mula 41 percent noong 2011 tungo sa 77 percent noong 2017.

Pero maliban sa napakaraming trabaho, naging hamon din ang ilang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon ng ilang kasong hinawakan ng Office of the Ombudsman tulad ng pagsampa ng umano'y mahinang kasong "usurpation of authority" laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng 2016 Mamasapano encounter.

Di naman daw nagpapaapekto si Morales sa mga parinig dahil base lamang sa facts at evidence ang kanyang desisyon.

"I don't get intimidated... Fear has never reigned in my life," sabi ni Morales. 

Matapos ang halos limang dekada sa public service, sabik na si Morales sa pag-alaga ng mga apo at ng halamang bonsai.

Pero sa kaniyang pagretiro, hindi niya isinasara ng pinto sa pagsabak muli sa serbisyong publiko. 

"Well, you might close the door but the window is open."

--Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.