E-trike at P2P bus, umarangkada na sa Katipunan Avenue

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang pumasada nitong Miyerkoles ang mga electric tricycle (e-trike) at mga point-to-point (P2P) bus sa Katipunan Avenue, Quezon City, na balak ipalit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga ordinaryong tricycle.

Nag-unahan pa sa pagsakay ang mga pasahero, karamihan ay mga estudyante, sa mga libreng e-trike pero may ilang piniling sumakay pa rin sa mga regular na tricycle. 

Nasa P10 naman ang pasahe sa mga P2P bus na nag-iikot sa Katipunan, habang P8 kapag estudyante at matanda.

Nagkaproblema ang ilang sumakay ng P2P bus dahil sa tagal nito bago bumiyahe kaya ang iba ay lumipat sa e-trike.

Sa ngayon pinapayagan pa ring bumiyahe ang mga tricycle sa Katipunan Avenue pero hanggang outer lane na lang. 

Limitado rin sa tatlong pasahero ang puwedeng isakay ng mga ordinaryong tricycle alinsunod sa ordinansa ng lungsod.

Sang-ayon ang mga tsuper ng tricycle sa paghihigpit basta hindi sila mawalan ng kabuhayan, lalo at mabigat sa bulsa kung pabibili pa sila ng mga e-trike.

"Kasi mahal 'yan eh, tapos e-trike pa, charging, naabala," anang tsuper na si Alex Baay.

Nagdaos ng inspeksiyon noong Martes ang LTFRB sa mga ilegal na terminal ng mga tricycle sa Katipunan.

Pinag-iisipan na rin ng pamahalaang lokal ang pagsusog sa traffic code para maayos ang ruta ng mga tricycle.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.