PH, isa sa 'worst countries' para sa mga manggagawa; labor official, dumepensa

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng isang Labor department official na marami nang hakbang ang pamahalaan para mapabuti ang lagay ng mga manggagawa sa bansa. 

Ito ay matapos lumabas sa Global Workers' Rights Index 2018 nitong Hunyo na isa ang Pilipinas sa "worst countries for workers." 

"Kabilang na diyan iyong strong campaign of the Duterte administration against the practice of 'endo' or 'yong mga illegal practice ng contracting and sub-contracting arrangements," sabi ni Bureau of Local Employment director Dominique Tutay.

Naglabas noong nakaraang buwan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng listahan ng mga kompanyang nagsasagawa ng ilegal na kontraktuwalisasyon. 

Nagpalabas din si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order (EO) laban sa ilegal na kontraktuwalisasyon.

Pero ayon sa labor group na Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Sentro), tatakbo lang sa korte ang mga kompanyang napabilang sa listahan ng DOLE kaya hindi pa rin mare-regular sa trabaho ang mga manggagawa.

Ang EO naman daw ng pangulo ay inulit lang ang sinasabi ng batas na pumapayag pa rin sa ilang porma ng kontraktuwalisasyon.

"We were extremely disgusted by the fact that he reneged on his presidential campaign promise," ani Sentro secretary-general Joshua Mata.

Una nang ipinahayag ng mga labor group na hindi sila kontento sa ipinalabas na EO ni Duterte dahil bigo itong alisin ang mga manpower agency at bigyang kahulugan ang employee-employer relationship na maituturing bilang "direct hiring."

Sa Global Workers' Rights Index 2018 ng International Trade Union Confederation, ikawalo ang Pilipinas sa 10 worst countries for workers.

Ayon sa ulat, napasama ang Pilipinas dahil sa mga kaso ng pananakot at tanggalan sa trabaho, karahasan, at repressive o mapanikil na mga batas.

Binanggit na mga halimbawa sa ulat ang pag-aresto sa isang transport leader na nagprotesta kontra jeepney phaseout at marahas na pag-aresto sa mga nag-picket na manggagawa ng isang Korean-owned fruit company.

Nananatili namang nakabinbin sa Senado ang isang security of tenure bill na naglalayong matugunan ang problema sa kontraktuwalisasyon.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.