Kaso sa pagbawi ng bilyon-bilyong 'Marcos wealth,' ibinasura ng SC

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2018 10:19 PM

Hindi sapat maging ang mga testimonyang nadinig ng Korte Suprema para patunayang nagkaroon ng sabwatan para malikom ang umano'y Marcos ill-gotten wealth, batay sa desisyong inilabas ng kataas-taasang hukuman nitong Martes.

Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang kasong naglalayong mabawi sana ang bilyon-bilyong pisong halaga ng mga umano'y nakaw na yaman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at cronies na itinuturing na kaniyang mga kasabwat.

"It finds that these are not sufficient to establish that the [respondents] engaged in 'schemes, devices or stratagems' to acquire ill-gotten assets," anang desisyon ng SC.

Pinagtibay nito ang mga naunang desisyon ng Sandiganbayan noong 2010 at 2011 na ibasura ang mga reklamong inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya.

"[T]he Decision dated August 5, 2010, and Joint Resolution dated August 31, 2011, of the Sandiganbayan in Civil Case No. 0016 dismissing the Republic’s complaint for reconveyance, reversion, accounting, restitution and damages for insufficiency of evidence are AFFIRMED. SO ORDERED," saad sa desisyon ng Korte Suprema.

Kabilang sa inaakusahan ng PCGG ang mga tinatawag na "crony" na umalalay umano sa dating diktador sa pagkuha ng bilyon-bilyong nakaw na yaman mula sa pamahalaan.

VIDEO: A fact-check on life under Marcos

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa nakalipas na 31 taon ay umabot na sa P170 bilyon ang nabawi ng PCGG sa sinasabing nakaw na yaman ng mga Marcos.

 Tinatayang aabot sa USD10 bilyon ang kabuuang halaga ng ill-gotten wealth ng mga Marcos, ayon sa PCGG.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.