Paslit natagpuang patay sa ilog sa Cotabato City

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 05:59 PM

COTABATO CITY - Natagpuan ang bangkay ng 1-anyos na bata sa ilog sa lungsod na ito, Lunes ng hapon.

Ayon sa tiyuhin ng biktimang si baby Jane, naiwan itong mag-isa sa kanilang bahay sa Mother Kabuntalan, Maguindanao noong Linggo ng hapon dahil may binili ang lola nito sa tindahang nasa katabing bahay lang.

Pero laking gulat na lang niya nang wala na ang apo pagbalik ng bahay.

“Bukas ang bakod. Naglaro talaga ang bata kasi mahilig sa tubig," ani Police Staff Sgt. Alimudin Salik, tiyuhin ng biktima.

Natagpuan ng ilang residente ang lasog-lasog na bangkay ni baby Jane sa ilog sa Bagua Dos, Cotabato City nitong Lunes.

“Sa part na natanggal ang ilang parts ng katawan kasi probably dahil sa lakas ng current ng tubig at tumama na sa mga matitigas na bagay. Magkarugtong yung ilog mula sa kanila," ani Police Capt. Elexon Bona, hepe ng Police Station 4.

Nakiusap naman ang pamilya ni baby Jane sa publiko na huwag nang magpakalat ng maling impormasyon kaugnay ng insidente.

Ito ay kasunod ng mga komentong tinanggalan umano ng internal organs ang bata.

Paalala ng awtoridad na bantayan ang mga anak para makaiwas sa kaparehong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.