'Parang balewala': Pahayag ni Duterte sa Reed Bank incident ikinadismaya

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ikinadismaya ng kapitan ng fishing boat na binangga umano ng isang Chinese vessel sa Recto (Reed) Bank sa West Philippine Sea ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa insidente. 

Ito ay matapos magsalita sa unang pagkakataon ni Duterte ukol sa pagbangga, kung saan nabanggit ng Pangulo na simpleng "maritime incident" ang nangyari. 

Ayon sa kapitan ng barkong FB GEM-VER na si Junel Insigne, tila binalewala umano ng Pangulo ang hirap na dinanas nila nang lumubog ang barko at iniwan sila ng Chinese vessel. 

"Nalulungkot po ako dahil kasi parang balewala lang po 'yung pagbangga sa amin, paano po kung maraming namatay sa amin?" aniya sa isang panayam. 

Umaasa si Insigne na mapanagot ang kapitan ng barkong Chinese na bumangga sa kanilang barko, na may sakay na 22 tao kabilang ang kapitan. 

Patuloy na nanindigan si Insigne na sinadya silang banggain ng Chinese vessel. 

Inabandona umano ng sasakyan ng mga Chinese ang mga mangingisda sa bangka, na kalaunan ay nasagip ng isang Vietnamese vessel.

Unang nabanggit ni Duterte na kailangan pa ring imbestigahan at pakinggan ang panig ng mga Chinese ukol sa insidente. 

Binira pa ni Duterte ang mga politikong nais umanong palalain ang tensiyon sa West Philippine Sea at iginiit na hindi pa handa ang Pilipinas sa ano mang giyera. 

Watch more in iWant or TFC.tv

PALASYO DUMEPENSA 

Ayon naman kay Agriculture Secretary Manny Piñol, dapat intindihin ng publiko kung bakit nag-iingat si Duterte. 

Nang makausap kasi umano ni Piñol ang kusinero ng barko na si Richard Blaza, hindi raw ito sigurado kung talagang nakita sila ng Chinese vessel. 

"Richard told me shortly before the accident, the captain was sleeping in his cabin, the captain's cabin. And there were only 2 lights in the fishing boat - one in the captain's cabin and one in the kitchen," aniya. 

Gayunman, tingin din ni Piñol na dapat imbestigahan nang mabuti ang insidente. 

Paliwanag naman ng Palasyo na hindi binabalewala ng Pangulo ang nangyari sa mga mangingisda sa Recto Bank at kailangan lamang umanong maging maingat ng Pilipinas para hindi maapektuhan ang relasyon ng bansa sa Tsina.

"He does not want this to be blown into an international crisis given the fact na alam mo matagal ding nabago ang relasyon from the time nu'ng previous administration, na masama ang relasyon e," ani Panelo. 

Ayon pa kay Panelo, may bagong impormasyon din umano ang lumabas sa Cabinet meeting na nagbibigay-duda sa bersiyon ng mga Pilipinong mangingisda. 

Kabilang dito ang pahayag umano ng cook ng bangka na posibleng hindi sila nakita ng Chinese vessel bago sila nabangga. 

Pinagdududahan din umano na nasa gitna ng dagat at hindi malapit sa shoreline ang bangka nang mangyari ang insidente. Giit din ng Malacañang na maaaring may iba pa umanong nakapaligid na bangka sa lugar nang mangyari ang pagbangga. 

Ayon pa kay Panelo, malabong ipatawag si Chinese ambassador Zhao Jianhua para sa kaso dahil wala umanong hurisdiksiyon ang bansa sa opisyal at ayaw ng Pilipinas na pagmukhaing guilty sa kaso ang mga Chinese. 

"Parang 'pag inimbitahan mo 'yun, eh parang pini-prejudge mo na, bakit mo iniimbitahan? E nag-iimbestiga pa lang nga eh. Bakit may kasalanan ba ito, kailangan bang magpaliwanag sa atin? Parang ganu'n ang dating," ani Panelo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Para naman kay Senador Panfilo Lacson, si Duterte mismo ang naglilimita sa kaniyang sarili sa ano mang aksiyon ang maaaring gawin ng gobyerno. 

Ani Lacson, maaari naman daw gamitin ng bansa ang Mutual Defense Treaty sa Estados Unidos, kung saan nakasaad na obligadong tumugon ang Pilipinas at Amerika kapag naatake sa West Philippine Sea ang kanilang mga barko. 

Ayon sa Department of Foreign Affairs, posibleng talakayin ng pangulo ang insidente sa gaganaping ASEAN summit sa Thailand.

Kung magsasagawa ng mas malalimang imbestigasyon, handa naman daw sina Insigne at ang kaniyang mga kasamahan na humarap sa awtoridad para ikuwento ang kanilang pinagdaanan.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Sherrie Ann Torres, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.