Pahirap sa OFWs? Koleksiyon ng SSS nakatali sa overseas employment contract

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 04:17 PM | Updated as of Jun 18 2019 04:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nangangamba ang grupong Blas F. Ople Policy Center na baka ang pagtaas sa mga kontribusyon sa Social Security System (SSS) at PhilHealth ang magtulak pa sa mga Pilipinong humanap ng ilegal na paraan para lumabas at makapagtrabaho sa ibang bansa.

"Kawawa din 'yung workers kasi parang magiging balakid pa sa employment 'yung pagtaas ng karagdagang premium," sabi ni Susan Ople, pangulo ng center.

Tinutukoy ni Ople ang umano'y karagdagang pahirap sa mga OFW na premium contribution sa SSS na nakatali pa sa kanilang overseas employment contract (OEC).

"Economically weaponized na 'yung OEC and para sa amin po kawawa naman 'yung OFWs dahil hindi pangkaraniwan ang panahon ngayon," sabi ni Ople sa panayam sa DZMM Martes ng umaga.

Ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ginawang collecting agent din ng minimum premium na P960 ng SSS, sabi pa ni Ople.

Bukod pa rito, ang mga Balik Manggagawa ay kailangan rin magbayad ng katumbas ng tatlong buwan. 

Sa ilalim ng implementing rules and regulations (IRR) ng SSS, ang mga OFW na uuwi dahil sa emergency o bakasyon ay kinakailangang magbayad ng katumbas ng tatlong buwang kontribusyon. 

"Magbabakasyon lang 'yung OFW, bakit kailangang tatlong buwan ang kukunin? At dahil nakatali sa OEC, hindi 'yan makakapagbakasyon kung hindi makapagbayad," dagdag niya.

Dagdag pa niya na nagpunta na sa Supreme Court ang grupo ng manning agencies para sa sea-based workers dahil iniligay sila bilang employers ng seafarers sa IRR ng SSS.

"Because may employer status sila, they can be held criminally liable 'pag di nagbayad 'yung may ari ng barko 'yung SSS nung mga seafarers," sabi niya.

Nagkagulatan na lamang aniya nang makitang ipatutupad na ang batas nang ma-publish ang IRR nitong Lunes.

Bukod sa SSS, magtataas din ng kolekta sa kontribusyon ang PhilHealth sa pagpasa ng IRR nito sa Hulyo o Setyembre. 

Ang noong fixed rate para sa mga OFW na P2,400 kada taon ay magiging P570 kada buwan o higit P6,000 kada taon at magtataas pa ito sa susunod na taon.

"Kung lahat po ito nakatali sa OEC baka mamaya mag-isip 'yung worker na masyadong magastos, dadaan tayo ng POEA, mag-backdoor na lang tayo," sabi ni Ople.

Paliwanag niya sobrang taas ng kontribusyon para sa mga OFW samantalang hindi naman tumataas ang sahod ng mga kasambahay sa abroad.

Wala naman umano silang problema kung ang pagtaas ng kontribusyon ay para sa social protection ng mga OFW.

"But it has to be affordable. It has to be sustainable and mahirap 'yung parang shotgun wedding," aniya. 

Hiling ngayon ng grupo ang moratorium sa pagtaas ng kontribusyon sa SSS at PhilHealth ng mga OFW.

"Pag-usapan muna natin, 'yung sektor, bago natin gawin ang lahat ng ito. Consistent po kami sa position namin na huwag itali sa OEC, 'wag tatlong buwan, tapos hindi employers ang manning agency," sabi pa niya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.