Paghihiganti sinisilip sa pagpatay sa lalaki sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 07:28 PM

Paghihiganti sa away na bunga ng siningil na utang ang isa sa mga motibong sinisilip ng Manila Police District (MPD) kaugnay ng pagpatay sa isang lalaki sa Tondo, Maynila noong Lunes.

Ayon kay Police Lt. Col. Carlo Manuel, MPD public information officer, person of interest sa pagpatay kay Ricky Paghunasan ang isang lalaking pinautang at nakaalitan nito.

Matapos ihatid ang kaniyang anak sa paaralan, pinagbabaril si Paghunasan ng lalaking lulan ng motorsiklo sa Tondo noong umaga ng Lunes.

Nakuhanan ng closed-circuit television camera sa lugar ang insidente.

Ayon sa misis ng biktima na si Analyn, bago ang insidente ay nakatanggap ng mga banta si Paghunasan sa isa sa mga pinautang nito.

Nakasuntukan pa raw ni Paghunasan ang taong pinautang.

Patuloy ang imbestigasyon at follow-up operation ng MPD sa gunman.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.