P15 milyong halaga ng ginto tinangay sa Benguet

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 07:44 PM

Anim na pirasong ginto na nagkakahalaga ng higit P15 milyon ang tinangay mula sa mga empleyado ng isang minahan sa Itogon, Benguet noong Hunyo 10.

Sa imbestigasyon ng Itogon Police, papunta dapat ng Maynila ang company vehicle habang binabagtas ang madilim na kalsada sa Sitio Bagingey, Barangay Poblacion nang makita ng driver na may mga batong nakaharang sa daan.

Hininto ng driver ang sasakyan at bumaba para alisin ang mga bato nang biglang lumabas mula sa gilid ang 4 na armadong lalaki.

Tinutukan ng baril ang mga biktima saka iginapos. 

Pinadapa sila sa gilid ng kalsada para hindi makapalag habang hinahanap ng mga lalaki ang mga piraso ng ginto sa sasakyan.

Nang makuha ang ginto, isinakay ang 2 empleyado sa sasakyan at iniwan sila malayo sa crime scene. Kinuha ang mga gamit ng mga empleyado, ang susi ng sasakyan, at itinapon ang mga ito sa magkakaibang lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga lalaki. Pinayuhan din ang kompanya na magdagdag ng seguridad kung magbi-biyahe ng ginto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.