Bangkay ng nurse na nasawi sa paragliding accident, naiuwi na

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 07:50 PM

Naiuwi na sa Zamboanga City ang mga labi ng nurse na namatay sa paragliding accident habang nagbabakasyon sa Gudauri sa Georgia. Larawan mula kay Dee De Guzman

ZAMBOANGA CITY – Naiuwi na sa kanilang lugar sa lungsod na ito ang mga labi ng 38-anyos na nurse na namatay matapos na bumagsak ang sinasakyang paraglider sa Gudauri, Georgia noong Hunyo 1.

Nagpasalamat ang pamilya ni Bryan Vale De Guzman sa lahat ng mga taong tumulong para maiuwi ang mga labi ng kanilang kaanak. 

Ayon sa ina ni Bryan na si Elsie De Guzman, maraming pasa sa katawan ang kaniyang anak dahil sa pagbagsak nito.

“Maraming pasa sa legs, dahil siguro kung saan sila nahulog rocky, maraming rocks, ‘yun ang cause bakit marami siyang pasa sa katawan,” sabi niya. 

"Undefined occasions of sinking and asphyxia" ang nakalagay sa autopsy report bangkay ni Bryan.

Paliwanag ng kaniyang pamilya, sa gilid ng ilog bumagsak ang paraglider na sinasakyan ni Bryan. Dahil sa lakas ng agos ng tubig, nadala si Bryan sa malalim na bahagi ng ilog na naging dahilan ng kaniyang pagkalunod. 

“Iba talaga ang mukha niya parang namamaga, pero noong nahawakan ko na siya, parang naging happy na siya, yung pagka-maga nag-lessen,” dagdag ng ina ni Bryan.

Sa imbestigasyon ng pulisya sa Gudauri, nalaman na tanging isang grupo ng paraglider ang nag-operate ng paragliding sa nasabing lugar at walang lisensya ang mga ito. 

Maging leksyon na umano ito sa iba pang turista na nagpapakita lamang kung gaano ka-delikado ang paragliding lalo na kung walang safety measures.

May 10 taong nagtrabaho bilang nurse si Bryan sa Saudi Arabia. Kasamang nagbakasyon ni Bryan sa Georgia ang kaniyang mga kasamahan sa trabaho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.