ALAMIN: Red flags para matukoy ang investment scam

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 01:00 PM | Updated as of Jun 18 2019 01:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Paano malalaman kung scam ang napasukang investment?

Ayon sa financial expert na si Randell Tiongson, may mga red flags na dapat tingnan sa isang investment scheme para masabi na isa itong scam.

Una umano rito ay kung "too good to be true" ang investment, o nag-aalok ng napakalaking kita sa loob ng maikling panahon.

"'Pag napakalaki ng pinapangakong kita... too good to be true," ani Tiongson sa "Sakto" ng programang DZMM.

Isa umanong palatandaan dito ang pagkakaroon ng malakihang investment sa loob lamang ng isang buwan.

Halimbawa na umano rito ang pagpapasara ng Kapa Community Ministry Incorporated matapos ang umano'y pagpapa-donate nila sa kanilang mga miyembro kapalit ng malakihang investment o "blessing."

"'Yung perang nilikom ng Kapa ay malaki pa 'yan sa ibang kompanya," ani Tiongson.

Pangalawa naman aniya ang kakulangan ng mga permit sa Securities and Exchanges Commission.

Paliwanag niya, may kaukulang lisensiya dapat sa SEC ang isang investor bago makapagpa-invest.

"It's a secondary license. 'Yang secondary license na iyan it's to solicit investment. And napakahirap kumuha niyan. Kailangan talaga once lumabas ka sa public, at nanghikayat ka na mag-invest sa iyo, dapat may license ka na," ani Tiongson.

Maituturing na scam din ang papasukang investment kapag hindi alam ng mag-i-invest kung para saan niya ilalagak ang kaniyang salapi.

Isa pa umanong red flag ang mas pagtutok sa pagre-recruit ng mga miyembro. Palatandaan umano rito kapag walang produkto na ipinapabenta sa kanilang mga kustomer.

Red flag din aniya kung maituturing ang umano'y pressure sa kostumer na maglabas agad ng pera.

Dahil dito, nanawagan si Tiongson na mag-ingat sa mga papasukang investment at maging alisto sa mga nabanggit na "red flags."

Maaari rin aniyang tingnan sa website ng SEC kung may advisory laban sa papasukang investor para iwas-aberya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.