1 patay, 5 sugatan sa away sa lupa sa Cavite

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 04:24 PM | Updated as of Jun 18 2019 08:20 PM

Isa ang patay habang lima naman ang sugatan nang magka-tensiyon ang mga residente at guwardiya ng developer ng pinag-aawayang lupa sa Cavite, Martes ng umaga.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, nasawi ang isa sa mga security guard ng developer na nasaksak sa kaguluhan sa Sitio Malipay 4, Barangay Molino 4 sa Bacoor City. Sugatan din ang isa pa niyang kasamahan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Jeffrey Campaña, barangay chairman ng Molino 4, madaling araw nang tangkaing ipasok ng developer ang dalawang heavy equipment pero hinarang ito ng mga residente na inakalang magkakaroon na ng demolisyon.

Inakyat pa ng mga residente ang mga heavy equipment para pigilan ang mga ito. Dahil sa tensiyon, nagpaputok ng baril ang mga guwardiya ng developer ng lupa na ikinasugat ng apat na residente.

Doon na mas lalong nagkagulo at napatay sa saksak ang isa sa mga security guard. Itinaob rin ng mga residente ang sasakyan ng mga guwardiya.

Paliwanag ni Glory Bitalicio, chairman ng Atin ang Malipay Movement, nasa korte pa ang usapin kaya hindi pa maaaring i-demolish ang nasa 2,000 bahay na nakatirik sa pinag-aawayang lupa na tatayuan umano ng subdivision.

Samantala, limang guwardiya ang inaresto ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.