Mga miyembro ng militanteng grupo nag-rally sa DOLE

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 03:03 PM | Updated as of Jun 18 2018 03:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sumugod sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ilang miyembro ng mga militanteng grupo para ipanawagang palayain ang 23 manggagawa ng NutriAsia na ikinulong matapos silang magwelga noong isang linggo. 

Kabilang sa mga nagprotesta sa tapat ng tanggapan ng DOLE ang mga miyembro ng League of Filipino Students, Kabataan party-list, Anakpawis, at iba pa. Bitbit nila ang mga placard habang isinisigaw ang paghingi ng hustisya sa mga nakulong na manggagawa.

Nitong nakaraang linggo, nagwelga ang 23 manggagawa ng NutriAsia upang igiit ang pagkilala sa kanilang unyon, regularisasyon at kompletong benepisyo, at pagkuha muli sa mga empleyadong anila'y ilegal na sinesante. 

Duguan ang ilang manggagawang ito nang buwagin ng pulisya ang kanilang picket. Mismong NutriAsia na ang humingi ng tulong sa mga pulis para mapaalis ang mga trabahador na sabi ng kompanya ay nakakaabala na sa kanilang operasyon. 

Kuwento ni JC Gerola, 14 na taon na siyang nagtatrabaho sa NutriAsia bilang contractual employee. Bukod sa umano'y hindi binibigay na overtime pay, marami rin daw siyang kasamahan na hindi nare-regular kahit ilang taon na sa kompanya.

Itinanggi naman ito ng NutriAsia. Giit ng kompanya, ilang empleyado ng processing company B-Mirk Enterprise Inc ang nagtayo ng unyon at sinabi sa DOLE na sila ay mga trabahador ng NutriAsia. 

"There is also no truth to their claims that the DOLE has issued an order to make them regular NutriAsia employees," sabe ng kompanyang gumagawa ng UFC catsup at Datu Puti toyo at suka.--ulat mula kay Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.