Eskuwelahan sa Amerika, ipapangalan sa Pinoy na dating 'ilegal'

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2018 10:24 PM

Kuha kay Jose Antonio Vargas sa Harvey B. Gantt Center for African American Arts + Culture sa Charlotte, North Carolina, Mayo 11, 2017 Jeff Hahne, AFP

Ipapangalan sa isang "undocumented" na Pinoy ang isang bubuksang pampublikong elementary school sa Mountain View, California sa Amerika. 

Batay sa ulat ng SFGATE, website na konektado sa pahayagang San Francisco Chronicle, tinawag na isang makasaysayang desisyon ang pagboto ng Mountain View Whisman School District board para ipangalan ang paaralan alinsunod kay Jose Antonio Vargas, ang award-winning Pinoy journalist na noong 2011 ay umaming hindi siya dokumentadong dayuhan sa Amerika.

Nangyari ang desisyon sa panahong tinutuligsa ang liderato ni US President Donald Trump dahil sa polisiya nito kontra sa illegal immigrants na ngayo'y naghihiwalay umano sa ilang dayuhang magulang at kanilang anak sa Amerika.

Si Vargas ay 12 anyos pa lamang nang magpunta ang kaniyang buong pamilya sa Amerika mula sa Pilipinas.

Kalauna'y nalaman ni Vargas na peke ang mga dokumentong pinagamit sa kaniya upang makarating sa Amerika hanggang sa siya'y gumamit din ng mga pinekeng papeles upang makapagtrabaho bilang isang mamamahayag.

Taong 2008 nang gawaran ng prestihiyosong Pulitzer prize si Vargas para sa kaniyang pag-uulat ukol sa 2008 Virginia Tech shooting.

Batid ni Vargas na maaari siyang ma-deport noon at matanggalan ng karangalan bilang isang journalist pero inamin niya pa rin ang kaniyang estado bilang isang illegal immigrant at nangampanya rin para sa karapatan ng immigrants.

"I am overwhelmed by this totally unexpected and deeply meaningful honor [lubos kong ikinagagalak ang hindi inaasahang karangalang ito]," saad ni Vargas sa isang pahayag nang malamang ipapangalan ang isang eskuwelahan sa kaniya.

Bubuksan ang paaralan sa Agosto 2019, ayon sa presidente ng district school board na si Laura Blakely.

Dagdag ni Blakely, ibinase ang desisyon hindi lamang sa napapanahong isyu ng immigrant kundi dahil na rin sa mga nakamit ni Vargas sa buhay. 

"He’s been the face of the American dream for so many students who came here as children, and really grew up as Americans without having citizenship. We have so many students in our community who are 'Dreamers,' and he’s such an inspiration," ani Blakely. 

[Naging mukha si Vargas ng American dream para sa mga estudyanteng nakarating sa Amerika noong bata pa sila at lumaking hindi kinikilalalang mamamayan ng bansa. Napakaraming estudyante sa komunidad ang "dreamers" at inspirasyon si Vargas sa kanila.]

"Dreamers" ang naging kolokyal na bansag sa mga batang hindi dokumentado nang dalhin sila ng kanilang mga magulang sa Amerika.

Bukod kay Vargas, kinonsidera ring ipangalan ang eskuwelahan sa yumaong si Steve Jobs na nagsimula ng ngayo'y kinikilalang kompanyang Apple.

"We wanted to pick someone who embodied the values of what you can do with an education, as Jose does," ani Blakely.

[Pinili namin si Vargas dahil ehemplo siya kung ano'ng mararating ng indibidwal sa tulong ng edukasyon.]

Ipinundar at pinatatakbo rin ni Vargas ang organisasyong Define Amerika na layuning labanan ang kawalan ng katarungan at ang hate o galit sa immigrants.

Gumawa na rin si Vargas ng dalawang dokumentaryo at isang curriculum para sa mga guro.

Lalabas ang kaniyang unang libro sa Setyembre 2018.

-- May bahaging isinalin mula sa ulat ng SFGATE

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.