Negosyante patay, 2 anak sugatan sa pamamaril sa Mandaue

Donna Lavares, ABS CBN News

Posted at Jun 17 2019 09:45 AM

MANDAUE, Cebu -- Patay ang isang 51-anyos na lalaki habang sugatan ang kaniyang 2 anak matapos pagbabarilin ang kanilang sinasakyang van sa lungsod na ito, Linggo. 

Pauwi na sana ang padre de pamilyang si Fi Yeng Guo Yang at kaniyang mga anak nang barilin sila ng 4 na lalaking sakay ng 2 motorsiklo, ilang metro ang layo mula sa subdivision ng mga biktima sa Barangay Cubacub, dakong alas-10 ng gabi, ayon sa pulisya. 

“Walong putok narinig namin. Hindi na namin naabutan ang mga gunmen pagdating namin,” kuwento ng barangay tanod na si Amado Manigo. 

Idineklarang dead on arrival ang padre de pamilyang nagmamaneho sa sasakyan, habang patuloy na ginagamot ang kaniyang mga anak. Inaalam pa kung Pilipino o dayuhan ang mag-aama. 
 
Mayroong retail at wholesale stores ang pamilya sa Mandaue at katabing bayan ng Consolacion. 

Iniimbestigahan ng mga pulis kung maituturing na hold-up ang insidente o kung konektado ito sa negosyo at personal na motibo. Nangangalap pa rin sila ng mga testigo at surveillance footage. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.