Construction worker patay sa pananaksak sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 01:00 PM

Napatay noong gabi ng Linggo ang isang construction worker matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang katrabaho sa Iloilo City.

Natagpuang patay sa isang ipinapagawang apartment sa Barangay Baldoza, La Paz district ang biktimang si Jessie Pacalingga, 56 anyos.

Itinuturong suspek sa krimen ang kanyang katrabahong si alyas "Jun," na nahuli ng mga awtoridad.

Nagkapikunan umano ang suspek at biktima habang nag-iinuman, ayon sa kanilang mga kasamahan sa trabaho.

Inakala raw ng kanilang mga kasamahan sa trabaho na tapos na ang away ng 2 pero sinundan daw ni "Jun" ang biktima sa kuwarto nito at tinadtad umano ng mga saksak.

Anim na saksak sa katawan ang tinamo ng biktima na idineklarang dead on arrival nang isugod sa ospital.

Inamin ng suspek na napikon siya sa biktima kaya nagawa ang krimen.

Nabatid na dati nang nakulong ng 8 taon ang suspek dahil sa kasong murder, na ngayon ay muli niyang haharapin.

--Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.