Babae, 18, natagpuang patay, hinihinalang ginahasa sa Dagupan

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 04:48 PM | Updated as of Jun 17 2019 08:43 PM

Natagpuang patay noong umaga ng Linggo sa Dagupan City ang isang 18 anyos na babae na pinaghihinalaang ginahasa.

Duguan ang mukha, may marka ng pananakal at nakababa ang damit nang mahanap ang biktimang si Bernadette Seplan, isang civil engineering student, sa bakanteng lote sa isang subdivision.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinihintay pa ang resulta ng medicolegal para malaman ang dahilan ng pagkamatay at kung ginahasa ang biktima.

Nagpaalam umano si Seplan noong Sabado na dadalo sa isang birthday party pero hindi na siya umuwi sa kanila.

Ayon sa caretaker ng bahay na malapit sa napaghanapan ng bangkay, may narinig siyang ingay pero inakala niyang alitan ito sa pagitan ng mag-asawa.

May nakuhang kopya ng closed-circuit television (CCTV) ang pulisya at may natukoy nang person of interest, ayon kay Police Lt. Col Abubakar Mangelen, hepe ng Dagupan police.

Tumanggi ang pulisyang pangalanan ang person of interest pero sinabing dati na itong may rekord ng robbery, theft, at sexual assault.

--Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.