Atio slay: Fratman hinatulang guilty sa obstruction of justice

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 12:56 PM | Updated as of Jun 17 2019 06:57 PM

Dumalo si John Paul Solano sa isang Senate inquiry kaugnay ng pagkamatay ng UST law student na si Horacio Castillo III noong Nobyembre 5, 2017. George Calvelo, ABS CBN News/file

(UPDATE) Hinatulang guilty ng korte sa Maynila sa kasong obstruction of justice ang isang miyembro ng Aegis Juris fraternity kaugnay sa pagkamatay ng University of Santo Tomas law student na si Horacio "Atio" Castillo III. 

Sinentensiyahan ni Manila Metropolitan Trial Court Branch 14 Judge Carolina Herrera ng pagkakakulong na hanggang 4 taon, 2 buwan at isang araw si John Paul Solano.

Absuwelto naman si Solano para sa kasong purjery.

Si Solano ang nagdala sa duguang katawan ni Castillo sa ospital sa Tondo kasunod ng initiation rites ng fraternity sa Sampaloc, Maynila, na umano ay ikinasawi ni Castillo noong Setyembre 2017.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa mga unang pahayag ni Solano, sinabi niyang natagpuan niya ang katawan ni Castillo sa Tondo.

Itinanggi ito ng mga lokal na opisyal ng Tondo dahil wala namang nakitang katawan sa nasabing lugar. 

Inamin ni Solano sa huli na inutusan siya ni Arvin Balaga, lider ng kanilang fraternity, na magsinungaling sa mga pulis. 

Para sa mga magulang ni Castillo, patunay ang hatol kay Solano na may nangyaring cover-up sa pagkamatay ng kanilang anak.

Balak ng mag-asawa na sampahan pa ng ibang kaso ang mga sangkot sa pagkamatay ng kanilang anak.

Sampung miyembro ng Aegis Juris fraternity ang kasalukuyang nahaharap sa kasong hazing, kabilang sina:
- Arvin Balag
- Ralph Trangia
- Oliver John Audrey Onofre
- Mhin Wei Chan
- Danielle Hans Matthew Rodriguez
- Joshua Joriel Macabali
- Axel Munrio Hipe
- Marcelino Bagtang
- Jose Miguel Salamat
- Robin Ramos 

Dinidinig ngayon ng Manila Regional Trial Court Branch 20 kung papayagan nitong makapagpiyansa ang mga akusado. -- May ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.