Bagong halal na kapitan, patay sa drug raid sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2018 04:03 PM

PALAWAN - Patay ang isang bagong halal na punong barangay sa ikinasang operasyon kontra droga sa Balabac, Palawan nitong Biyernes.

Nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang dibdib si Pistoh Hamja na uupo sanang chairman ng Barangay Mangsee sa Hunyo 30.

Ayon sa mga awtoridad, nanlaban umano si Hamja at nagtangkang mang-agaw ng baril.

Narekober sa bahay nito ang isang malaking pakete at 2 sachet ng hinihinalang shabu.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Brooke's Point.

May isang witness ang lumutang sa mga awtoridad na nagsabing may kinalaman umano si Hamja sa ilegal na transaksiyon ng droga sa Barangay Mangsee.

Tumulak sa isla nitong Huwebes ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Palawan Provincial Police Office, Balabac Municipal Police Station, PNP Maritime Special Operations Unit at Marine Battalion Landing Team 4.

Pinasok ng mga awtoridad ang bahay ni Hamja alas-2:30 Biyernes ng madaling-araw.

Itinanggi naman ng pamilya na sangkot si Hamja sa ilegal na gawain.

"Wala po siyang kinalaman sa droga. Matagal na siya pinagkakatiwalaan ng mga tao," ani Asis Hamja, kapatid ng namatay. - ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.