Sanggol, hinostage, tinutukan ng itak sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 11:25 PM

AMPATUAN, Maguindanao- Isang pitong buwang gulang na sanggol ang dinukot ng 60 taong gulang na lalaki Linggo ng tanghali sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.

Ayon sa hepe ng Ampatuan PNP Pmaj. Guilbert Aporbo, base sa salaysay ng lola ng biktima, inilapag niya umano ang sanggol dahil may bumili sa kanilang tindahan, at saka ito binuhat ng suspek na si alyas “Kulas.”

Noon lamang Mayo 2 dumating sa Ampatuan si Mang Kulas na residente ng Parang, Maguindanao.

Pinsang buo ito ng lolo ng sanggol.

Sinabi pa umano nito sa lola ng sanggol na hihiramin niya ang bata. Kumuha ito ng itak, sabay umalis.

Pinigilan pa umano ito pero hindi na nakinig pa.

Naharang ang suspek sa national highway na buhat ang sanggol.

Itinapat pa nito sa leeg ng sanggol ang itak.

Matapos ang ilang minuto, nakumbinsi rin ang suspek at nakuha ang sanggol na masuwerteng nakaligtas.

Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang suspek matapos na kuyugin ng mga residente.

Nakatakda itong sampahan ng kasong forcible abduction in relation to RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse.

Pinag-aaralan rin ng pulisya kung sasampahan ito ng attempted murder.

Nakatakda ring isailalim sa drug test ang suspek na nakakulong na ngayon sa Ampatuan Police lock-up cell.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.