Pulong ng gabinete ukol sa West PH Sea 'hit-and-run' kinansela

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 06:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi na matutuloy ang itinakdang pulong ng mga ganinete ukol sa kontrobersiyal na "hit-and-run" incident sa pagitan ng mga Pinoy at Chinese sa Recto Bank ng West Philippine Sea, ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Linggo.

Nauna nang kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magkakaroon ng Cabinet meeting kasama si Presidente Rodrigo Duterte sa Lunes.

Pero sa huling sabi ni Medialdea ay hindi na ito itutuloy.

"No meeting," sabi ni Medialdea sa isang text message. Kalaunan, sinabi niya mismo sa mga mamamahayag na "cancelled" ang meeting.

Maaalalang noong nakaraang Linggo ay nalagay sa peligro ang buhay ng nasa 22 mangingisdang Pinoy matapos silang bundulin ng isang Chinese vessel habang nakaangkla ang kanilang bangka sa karagatan.

Nawasak ang bangka ng mga Pinoy dahilan para magpasagip sila sa kalapit na Vietnamese ship.

Nitong Linggo, nagtungo si Energy Secretary Alfonso Cusi sa San Jose, Occidental Mindoro kung saan nakabase ang mga mangingisda ng bangkang GEM-VIR1.

Ayon kay Cusi, nagpunta siya para kunin ang kuwento ng mga mangingisda at personal na ihatid kay Duterte ang kalagayan ng mga biktima.

Sabi niya, bagama't tahimik ang Pangulo sa isyu, hindi ibig sabihin nito na wala itong pakialam.

"It involves another country which we have diplomatic relations. So tinitingnan niya, kina-calibrate niya kung ano ba ang makakabuti para sa ating lahat sa bansa," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, dahil hindi na mapakikinabangan ang nawasak na bangka ng mga mangingisda, nag-alok naman ng tulong ang isang grupo ng negosyante para bigyan ng ayuda ang mga naperwisyong pamilya.

"Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) lead International Chamber of Commerce (ICC) and Philippine Silk Road International to donate P1 million to the livelihood support of Philippine fishermen and for the repair of the fishing boat in the Recto Bank incident. P500,000 for repair and P500,000 for livelihood support," sabi ng grupo sa isang pahayag.

—Ulat nina Raphael Bosano at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.