P3.4-M na 'shabu' nakuha sa buy-bust sa Pasig

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 10:19 AM | Updated as of Jun 16 2019 07:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nasamsam ang nasa kalahating kilong hinihinalang shabu na may street value na P3.4 million mula sa isang lalaki at babae na target ng buy-bust operation sa Brgy. Manggahan, Pasig City. 

Kinilala ang mga nahuling suspek na sina alyas Mark, 28 anyos at live-in partner nito na si alyas Patricia, 18 anyos.

Ayon sa Quezon City Police District, ikinasa nila ang operasyon matapos ituro sila ng mga naunang nahuling 2 suspek sa Brgy. Kaunlaran, Cubao, Quezon City.

Nasa P22,000 na shabu ang napagkasunduang bibilhin ng nagpanggap na buyer mula kay alyas Mark. 

Agad na hinuli ang dalawa nang magkapalitan na ng pera at droga. 

Ayon kay Police Col. Erson Digal ng QCPD, malaki ang mababawas sa pagkalat ng ilegal na droga sa Quezon City sa pagkakahuli kay alyas Mark na itinuturong source ng droga ng maraming nahuhuling drug pusher. 

Ito din umano ang pinakamalaking huli ng ilegal na droga ngayong linggo sa Quezon City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.