Mga nakumpiska, narekober na IED, pinasabog ng militar sa Surigao del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 06:55 PM

PLACER, Surigao del Norte -- Pinangasiwaan ng 30th Infantry Battalion at Explosives Ordnance Division ang pagpapasabog sa anim na unexploded ordnance (UXO) at 53 improvised explosive device (IED) sa Surigao del Norte, Sabado.

Ang nasabing mga UXO at IED ay ang mga nakumpiska o narekober ng tropa mula 2013 hanggang 2019 sa mga nangyaring engkwentro laban sa New People's Army, gayundin ang mga nai-turn over ng mga pulis at sibilyan.

Kinabibilangan ito ng dalawang UXO ng 105-millimeter Howitzer, dalawang UXO ng 60-millimeter mortar, isang rifle grenade, isang hand grenade, isang gallon ng IED, limang bangalore, 10 PVC pipe bomb IED, 21 GI pipe bomb IED, 12 dual blasting cap IED at apat na directional IED mines.

Ang UXO ay klase ng mga eksplosibo na hindi sumabog at may panganib pa sa pagputok kahit ilang dekada pa matapos gamitin, habang ang IED ay ang mga ginamit ng mga terorista na pampasabog upang magkaroon ng casualty at maghasik ng takot sa mga sibilyan.

"UXOs and IEDs are hazardous items, for the safety of everyone we called the EOD team for proper disposal of the said UXOs and IEDs to prevent damage to life and property, afterwhich we immediately coordinated for a safe place to dispose it away from the civilian populace," paliwanag ni LtCol. Allen Raymund Tomas, commanding officer ng 30IB.

Nanawagan naman si Tomas sa mga residente na agad ipaalam sa pinakamalapit na istasyon ng pulis at sundalo kung may makitang mga UXO at IEDs upang maiwasan ang anumang pinsala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.