LRT-2 at MRT, may regalo sa mga ama ngayong Father's Day

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 08:18 AM

MANILA - Bilang pakikibahagi sa Father's Day, magbibigay ng sorpresang regalo ang pamunuan ng LRT-2 at MRT-3 sa mga piling ama na sasakay sa kanilang mga tren ngayong araw.

Sa LRT-2, simula 9 a.m. hanggang 12 n.n ay mamimigay ng regalo ang mga kawani ng railway sa mga tatay na sasakay sa Recto Station, Cubao Station at Santolan Station.

Muling magbibigay ng regalo ang LRT-2 mula 3 p.m. hanggang 6 p.m. sa mga haligi ng tahanan na sasakay sa Cubao Station. 

Ayon kay Evelyn Janeo, head ng LRT Communications Office, kailangan ay may kasamang anak o pamilya ang isang tatay na sasakay sa mga naturang istasyon ng LRT-2 para mabigyan ng kanilang surprise gift.

Sa MRT-3 naman, mamamahagi din ng regalo sa mga mapipiling ama at mga senior na tatay sa ilang mga istasyon.

Ayon sa MRT management, mula 9 a.m. hanggang 4 p.m. ay mamimigay sila ng regalo sa kanilang mga isatasyon sa North Avenue, Cubao, Ayala, Shaw at Taft Avenue. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.