Bong Go, nangakong hindi papaboran ang mga tumulong sa kaniyang kampanya

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 06:33 PM | Updated as of Jun 16 2019 07:04 PM

BACOLOD CITY - Sinagot ni Senator-elect Christopher "Bong" Go ang ilang batikos sa kaniya sa social media matapos niyang pumangalawa sa mga kandidatong may pinakamalaking nagastos sa kampanya sa katatapos na halalan.

Ayon sa mga kritiko ni Go, maari niyang bawiin sa kaniyang panunungkulan sa Senado ang kaniyang nagastos sa kampanya.

Ayon naman kay Go, walang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi niya babawiin ang kaniyang ginastos. Hindi rin umano niya bibigyan ng pabor ang mga tumulong sa kaniya sa kampanya.

"Pero hindi ko po babaluktutin ang batas para tulungan, kahit na magkaibigan tayo, kahit nakatulong ka sa akin noong eleksyon. 'Pag hindi naman po legal ang iyong papasukin ay wala kang aasahan na tulong mula sa akin," ani Go.

Si Go ang may ikalawang pinakamataas na nagastos sa kampanya. Umabot sa P161.42 milyon ang kaniyang ginastos.

Si dating Interior Secretary Mar Roxas ang may pinakamataas na nagastos sa kampanya. Umabot sa P179.19 milyon ang ginastos ni Roxas.

Nasa Bacolod City nitong Linggo si Go para bisitahin ang mga nawalan ng tirahan sa sunog sa Barangay 2 sa lungsod.

Nag-abot rin ng relief goods at grocery items si Go sa mga biktima ng sunog.

- ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.