Mga naaresto sa binuwag na picket sa Bulacan, kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 01:17 AM

Mahaharap sa mga kasong direct assault at physical injuries ang ilang naarestong nagwelga na umano'y mga empleyado sa planta ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan.

Ito'y kaugnay sa marahas na dispersal nitong Huwebes, kung saan tatlo sa mga nagpoprotesta ang duguan habang 10 pulis din daw ang nasugatan.

Ayon sa hepe ng Meycauayan police, pinagbabato at pinagpapalo rin sila ng mga nagwewelga gamit ang martilyo.

Pinakita rin nila ang isang CCTV footage kung saan nasaktan ang mga pulis.

Ang bintang pa nila, mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) Bulacan chapter ang ilan sa mga nahuli.

"May flag sila ng Kadamay eh," kuwento ni Superintendent Santos Mera, hepe ng Meycauayan police. 

Kinumpirma naman ng tagapagsalita ng Kadamay na miyembro nila ang ilan sa nahuli, ngunit sumusuporta lamang daw sila sa ipinaglalaban ng mga ito.

"Kinokondena ng Kadamay ang brutal at marahas na dispersal sa NutriAsia... Tuloy ang suporta na ibubuhos ng Kadamay sa kapwa mahihirap na manggagawa sa NutriAsia," anang spokesperson Michael Beltran.

Sa kabuuan, 24 ang dinampot kabilang ang isang 15 anyos na binatilyo na sinabing "niyaya" lang siya.

Tuloy naman ang pagtanggi ng NutriAsia na empleyado nila ang mga nagprotesta.

"Hindi sila talaga sa amin, [sila ay employees] sa kinuha namin na agency para sa filling process," ani Thelma Meneses, pinuno ng human resources department ng NutriAsia. 

Sa pahayag din ng NutriAsia, sinabi nilang ikinalulungkot nila na nagkasakitan sa dispersal noong Huwebes. 

"It is truly regrettable that the skirmish between the protesters and the police led to some injuries on a few people from both sides," ayon sa kanilang press statement.

Balak din daw kausapin ng kompanya ang "tunay" na employer ng mga nagwelgang manggagawa. 

"We join B-Mirk Enterprises in appealing to their employees to resume dialogues with their rightful employer at the proper venue made available to them."

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.