Lalaki, posible bang hindi kilalanin ang 'nabuntis' na babae?

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 04:36 PM | Updated as of Jun 16 2018 06:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaari bang hindi kilalanin ng lalaki ang ipinagbubuntis ng babae kahit na siya ang sinasabing ama ng bata?

Ito ang usaping tinalakay nitong Biyernes sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Ayon sa isang abogado, may mga paktor na nakasaad sa batas na kailangan mapunan ng lalaki upang mapatunayan na hindi ito ang ama ng bata.

"Ang lumalabas na ama, siya lang ang puwedeng mag-kuwestiyon sa legitimacy sa supposedly anak niya," ani Atty. Noel del Prado.

Nakatala sa Article 166 ng Family Code ang mga salik na kinokonsidera upang hindi kilalanin ng ama ang sinasabing anak nito. 

Isa rito ang physical impossibility o ang imposibilidad na may maganap na pagtatalik sa panahon na sinasabing nabuo ang bata.

"'Yong panahon o tinatawag na period of conception, binibilang, dapat doon sa unang 120 days, dapat physically impossible na naging magkasiping ang nanay at tatay," saad ni Del Prado.

Tinitingnan din ng batas ang posibilidad ng physical incapacity o ang kawalan ng kakayahan ng lalaki na makipagtalik sa babae bunsod ng pisikal na kondisyon.

Giit ni Del Prado, ang pinag-uusapan dito ay ang impotency at hindi sterility kung saan naman hindi kaya ng lalaki na bumuo ng supling.

 Karapatan ng babae

Bagaman hindi puwedeng pilitin ng babae na ipa-DNA test ang sinasabing ama ng bata, posible pa rin siyang magsampa ng kaso sa korte.

Maaari siyang maghain ng Petition for Establishing Paternity and Filiation at mag-request ng Motion for DNA Testing.

Ang korte na ang mag-uutos sa sinasabing ama ng bata na kailangan nitong sumailalim sa DNA testing.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.