Kagawad at 2 iba pa, patay matapos 'manlaban'

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 05:20 AM

KORONADAL CITY, South Cotabato - Patay ang 3 katao, kabilang ang isang barangay kagawad, sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Koronadal City nitong Biyernes.

Pinasok ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 12 sa bisa ng search warrant ang bahay ni Jaime Sunga.

Si Sunga ay outgoing kagawad ng Barangay New Pangasinan.

Nahantong ang raid sa engkuwentro nang magpaputok umano ng baril si Sunga, ayon sa mga pulis.

Giit ng pamilya ni Sunga, walang itong baril at hindi rin sangkot sa pagtutulak.

Buwelta pa nila, tinutukan sila ng baril at pinalabas ng bahay.

Naiwan sa loob si Sunga at nakarinig na lang sila ng mga putok ng baril.

Narekober kay Sunga ang 3 sachet ng hinihinalang shabu at kalibre .45 na baril.

Sinalakay din ng mga pulis ang bahay ni Reynaldo Navarro sa kaparehong barangay.

Nagpaputok din umano sa mga pulis si Navarro na isang drug surrenderee.

Nakuha kay Navarro ang 2 sachet ng hinihinalang shabu at single shot pistol.

Itinanggi naman ng pamilya na nanlaban si Navarro. Kusa raw itong sumuko at wala ring baril. Planted umano ang mga ebidensiyang nakuha ng pulisya.

Sa Barangay Carpenter Hill, nilusob din ng mga pulis ang bahay ni Erwin John Magbanua.

Ayon sa kapatid ni Magbanua, nakorner ito ng mga pulis sa loob ng kuwarto kasama ang misis at anak.

Nang nakalabas ang misis at anak ni Magbanua, sunod-sunod na ang putok ng baril.

Itinakbo sa pagamutan si Magbanua pero hindi na umabot ng buhay.

Narekober sa kaniya ang 6 sachet ng hinihinalang shabu at baril.

Kuwento ng misis nito, sumuko na ang kaniyang mister pagpasok ng mga pulis.

Umangal din ang pamilya ng mga nasawi dahil maraming gamit at pera ang nawala pagkatapos ng raid.

Ayon sa tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) Soccsksargen, sinunod ng raiding team ang tamang proseso.

Maaaring magsampa ng reklamo ang mga pamilya kung may nakita silang iregularidad, ani Supt. Aldrin Gonzales.

Isinailalim na sa paraffin test ang mga nasawi.

Isasailalim din sila sa awtopsiya dahil pinag-iisipan ngayon ng kanilang mga pamilya ang pagsampa ng reklamo laban sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.