Ilang tumiwalag sa Kadamay, 'handang bayaran' ang inokupang pabahay

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpahayag ng kahandaang magbayad ang ilan sa mga dating miyembro ng Kadamay para sa inokupa nilang housing unit sa Pandi, Bulacan.

Batid ng mga kumalas na miyembro na kailangan nilang bayaran ang buwanang hulog para sa mga pabahay na kanilang inokupa noong nakaraang taon.

"Willing naman kami [magbayad] kasi hindi namin puwedeng tirahan 'yan nang walang bayad," ani Vilma dela Cruz, dating kasapi ng Kadamay.

Ikinatuwa ng pamunuan ng National Housing Authority (NHA) ang pahayag ng mga kumalas na miyembro ng Kadamay.

Anila, responsibilidad ng mga pamilya ang pagbabayad sa inokupa nilang pabahay ng gobyerno.

"Natutuwa kami na ang nasabing grupo ay nagsalita na handa nilang harapin ang kanilang obligasyon bilang housing beneficiary ng pamahalaan," ani NHA spokesperson Elsie Trinidad.

Dagdag ni Trinidad, kailangan ng mga umokupa na magbayad ng buwanang hulog sa loob ng 30 taon.

Pagkalas sa Kadamay

Hindi na umano maatim ng mga dating miyembro ng Kadamay ang pamamahala ng kanilang lider.

Anila, aabot sa 300 pamilya ang tumiwalag at hindi na kinikilala ang lider ng grupo.

Ikinadismaya ng mga ito ang sapilitan umanong paniningil ng P250 mula sa mga miyembro tuwing may isasagawang kilos-protesta.

Talamak din anila ang pagbebenta ng mga inokupang pabahay.

"Sa kagustuhang magkabahay sumugal na kami para lang magkaroon ng sarili," ani alyas "Ligaya" na nakabili ng housing unit sa halagang P45,000.

Pag-okupa ng pabahay sa Rizal

Giit ng Kadamay, binantayan lamang nila ang mga housing unit sa Rodriguez, Rizal.

Nagtungo ang daan-daang miyembro ng grupo sa naturang lugar noong Miyerkoles at kalauna'y umalis din.

"Ang ginawa namin ay Bantayang Bayan, nais naming tiyakin na kung 'yong mga unit ay talagang nai-award sa mga beneficiary," ani Pat Tupas, tagapagsalita ng Kadamay-Pandi.

"Sabi ng NHA, puno naman at walang nakatiwangwang. Hindi namin 'yon talaga ookupahan,"dagdag ni Tupas.

Nakalaan ang mga pabahay para sa mga pulis at sundalo na nagbabayad ng amilyar sa gobyerno kada buwan.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na niya papayagan ang puwersahang pag-okupa ng Kadamay sa mga proyektong pabahay ng gobyerno.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.