Veterans Memorial Medical Center higit 1 araw nawalan ng kuryente

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 06:07 PM

Sinisisi ng VMMC ang bumagsak na puno na nagtaob sa 2 poste ng kuryente. Retrato mula kay Arra Perez, ABS-CBN News

MAYNILA — Mahigit 24 oras nawalan ng suplay ng kuryente sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City matapos mabagsakan ng matandang puno ang dalawang poste ng kuryente sa loob ng ospital umaga ng Biyernes. 

Ayon kay Dr. Dominador Chiong Jr., direktor ng VMMC, alas-8 ng umaga Biyernes nang simulan ang pagkukumpuni sa mga poste.

Kinailangang palitan ang mga nabuwal na poste at alas-10 na ng gabi dumating ang mga bagong poste galing Bulacan.

Ani Chiong, ang mga natumbang poste ang nagsusuplay ng kuryente sa mahigit kalahating bahagi ng ospital kaya't naapektuhan ang ICU, emergency room, laboratories, at dialysis center ng pagamutan.

Dahil dito, pansamantalang inilipat ang mga pasyente sa mga lugar ng ospital na may suplay ng kuryente.

Bukod sa generator ng ospital, ayon kay Chiong, pinahiram din sila ng generator ng Armed Forces of the Philippines. 

Ayon naman kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, agad silang rumesponde sa nangyari at nakipag-ugnayan sa ospital

Tiniyak ni Chiong na balik na sa normal ang operasyon sa ospital simula ala-1 ng hapon Sabado. 


—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.