SOCO: Bangkay ng Grab driver natagpuan sa ilalim ng lababo

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 02:55 PM

 

MAYNILA — Nakasilid sa ilalim ng lababo, may supot sa ulo, at naaagnas na nang matagpuan ang katawan ng Grab driver na si Maria Cristina Palanca sa loob ng isang condominium unit sa Cainta, Rizal noong Mayo 26.

Rumesponde ang mga awtoridad matapos magreklamo ang ilang residente dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa unit.

"Bloated na ‘yung katawan. Talagang nasa advanced decomposition na. Mga tatlong araw [na siyang patay]… Iyung fluid ng katawan na naaagnas, umagos sa sahig,” ayon kay Police Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta police.

Base sa pagsusuri, asphyxia consistent with smothering o suffocation ang direktang ikinasawi ng 43 anyos na si Palanca. Ibig sabihin, namatay ang biktima dahil tinakpan ang daluyan ng hininga nito.

Batay din sa imbestigasyon, Mayo 23 pa lang ay nag-report na ang mga kaanak ni Palanca na nawawala ito.

Sa pagsusuri sa mga kuha ng CCTV sa condo, napag-alaman na ang unit kung saan natagpuan si Palanca ay tinitirhan ng isang Paolo Lagardo.

Nang imbitahan ng pulisya si Lagardo, umamin ito sa krimen at isinalaysay ang umano'y tunay na nangyari.

Sabi ng suspek, nagkakilala daw sila ni Palanca nang maging pasahero siya nito at mula noon ay naging madalas na ang kanilang pagkikita.

Alegasyon din niya, isang tulak ng droga si Palanca at ito ang nagsusuplay sa kaniya.

Bago mangyari ang pagpatay niya kay Palanca, nagpambuno daw sila matapos magwala ang biktima sa kaniyang condo dahil sa paniningil sa kaniyang mga utang sa droga.

"Iniingatan ko 'yung credibility ko sa kapitbahay… Hanggang sa nagpambuno na kami," kuwento ni Lagardo.

"Nakatakip ako sa bibig niya kasi pinipigilan kong huwag siyang mag-ingay... Tapos hala nagulat na ako na namatay na," dagdag pa niya.

Sabi ni Lagardo, hindi siya mapakaling makita ang mukha ng bangkay ni Palanca kaya niya ito itinago sa lababo at binalutan ng plastik.

"Nakakatakot kasi 'yung mukha... Kaya ko siya nilagyan ng plastic sa mukha. Gusto ko pa rin makakilos don sa bahay na 'yon kaya nilagay ko siya don sa ilalim ng sink," sabi pa ng suspek.

Pinabulaanan naman ng mga kamag-anak ng biktima na naging user at tulak ng droga si Palanca. Anila, diabetic pa nga ito.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, Hunyo 15, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.