ALAMIN: Pagpapa-refund sa di nagamit na plane ticket dahil sa karamdaman

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2019 05:04 PM | Updated as of Jun 15 2019 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Taong 2018 nang mag-book ng plane tiket sa Cebu Pacific si Charmaine Acuin para sa dalawang biyahe ngayon sanang 2019.

Ang una ay pa-Iloilo na flight para noong Enero 27, 2019 at isa pang ticket papuntang Hong Kong na nakatakda noong Marso 18, 2019.

Pero Enero 2019, dahil maselan ang kaniyang pagbubuntis, inabisuhan si Acuin ng doktor na mag-bed rest hanggang Mayo 21.

Nag-abiso agad si Acuin sa Cebu Pacific kung maaari siyang mag-refund dahil sa kaniyang kondisyon.

Aniya, 2 beses siyang pinag-submit ng medical certificate at sinabing ibabalik ang kaniyang pera sa account na ginamit niya noon para i-book ang ticket.

"After ilang days nag-follow-up po ako, sabi nila ni-refund na nila sa account ko 'yung pera. Sabi ko pano niyo mare-refund kung closed na ang account?" aniya.

Dahil closed na ang account na ginamit noon, tseke na lang daw ang ibibigay sa kaniya at kailangan niya lang magpasa ng ibang requirements.

"In this case, said debit card account was closed and the bank did not know where to credit the amount. Nonetheless, we worked with [the bank] to be able to refund the passenger. Refund was completed in May 2019," paliwanag ng Cebu Pacific.

Noong Mayo 17, pinatawag ng bangko si Acuin at ganap nang ibinigay ang manager's check na katumbas ng kaniyang refund.

Paliwanag ng Civil Aeronautics Board (CAB), karapatan ni Acuin na makakuha ng refund sa ilalim ng Air Passenger Bill of Rights.

"Halos lahat ng airlines, kapag medical reason, kahit sabihin nating non-refundable 'yung ticket, nare-refund," paliwanag ni Wyrlou Samodio, hepe ng CAB legal division.

"Cancellation due to force majeure, cancellation due to airline's fault, delay of at least 3 hours, puwede kang mag-refund," dagdag ng abogado.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-message lang sa Facebook page ng "Tapat Na Po."

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.