'Tent City' para sa mga evacuees, itatayo sa ARMM

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 04:14 PM

Magtatayo ng "tent city" ang lokal na pamahalaan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) para sa mga residenteng lumikas mula sa Marawi City.

Mayroong 73 evacuation centers na naitala ang ARMM sa Lanao del Sur, Lanao del Norte at Iligan City.

Sa bilang na ito, pinakamarami ang matatagpuan sa Lanao del Sur.

Sa kabuuan, mayroong 51,651 na pamilyang lumikas dahil sa gulo sa Marawi City at mahigit kumulang 3,000 sa kanila ang nasa evacuation center.

Aminado ang pamunuan ng ARMM na siksikan at puno na ang mga evacuation sites, kaya plano nito na magtayo ng tent city para sa mga evacuees.

"Maghahanap tayo para sa tent city para ma-decongest ang evacuation centers," ani ARMM Governor Mujiv Hataman.

Ayon kay Hataman, may sapat pang pondo ang ARMM para sa supply ng mga evacuees, pero bukas sila sa mga nais na tumulong tulad ng foreign donors na magiging katuwang sa pagpapatayo ng tent city.

Sa Biyernes ay dadalaw ang mga opisyal ng ARMM sa Lanao del Sur upang magsagawa ng assessment sa mga evacuation centers at para maghanap ng maayos na lugar na pagtatayuan ng tent city.

Isa sa mga tinitingnan nilang pagtatayuan ng tent city ay iyong malapit sa mga health facility tulad ng ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.