VIRAL: Estudyanteng nagsuot ng kapote sa graduation, hinangaan sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 08:13 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging usap-usapan sa social media ang estudyanteng naka-kapote sa kalagitnaan ng kanilang graduation ceremony.

Maraming netizen ang humanga kay Renz Hover Pagtey na dumating sa kaniyang graduation nang handa dahil nakapagsuot agad ito ng kapote nang bumuhos ang ulan sa pagtatapos ng mahigit sa 2,000 estudyante sa Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte noong nakaraang linggo.

"Nakita ko kasi na maulan kaya wala namang masama kung magdadala ako ng kapote," ani Pagtey.

Dagdag niya, lagi rin siyang may bitbit na rosaryo at pagkain sa kaniyang bag.

"Hindi natin kasi alam kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw," aniya.

Ayon sa binata, natutunan niya ang ganitong klase ng paghahanda at disiplina mula sa kaniyang Tatay Ernesto na isang retiradong sundalo.

Nagtapos ang 23-anyos na estudyante ng kursong Bachelor of Science in Industrial Technology.