May-ari ng mga tindahan na di naghuhulog sa SSS sinita

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 08:21 PM

Sinita ng Social Security System ang ilang establisimyento na hindi umano naghuhulog o walang kontribusyon sa SSS para sa kanilang mga empleyado. 

Bahagi ito ng kampanya na "Race to Run After Contribution Evaders" ng ahensiya, na isinagawa sa Mandaluyong City, Mandaue City sa Cebu, sa San Fernando sa Pampanga, at Dipolog sa Zamboanga Del Norte. 

Kabilang sa mga sinita ang Maximum Data Infrastructure Technologies sa Mandaluyong City, isang data center company na hindi umano nagbabayad ng buwanang kontribusyon ng kanilang mga tauhan.

Ayon sa accounting staff ng kompanya na si Marilite Contreras, nangako silang aayusin na nila ang kanilang papeles. 

“Opo, babayaran po namin lahat. Ise-settle po namin, kaya nag-aayos po kami ng mga papel,” ani Contreras. 

Bukod sa Maximum Data Infrastructure Technologies, inisyuhan din ng show-cause order ang Taurus Electrical Services, Yvette Travel And Tours, Travel Quest Tours And Cruises, at Smartpoint Solutions Corporation sa Mandaluyong sa hindi paghuhulog. 

Inisyuhan din ng show-cause ang Tambayan 89 Grill at JMSFIE Food Services sa kaparehong lungsod dahil sa hindi umano pagpaparehistro ng kompanya at mga empleyado sa SSS. 

Sarado ang isa sa mga tindahan, habang mga staff at storekeeper ang humarap sa SSS sa ilang establisimyento. 

Binibigyan ng SSS ang mga employer ng 15 araw para magpaliwanag, at bayaran ang hindi pa nahuhulog na kontribusyon ng mga empleyado, at multa.

Aabot sa 12 taong pagkakakulong ang parusa sa mga hindi magre-remit. 

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.