5 umano'y magnanakaw ng motorsiklo, timbog sa Caloocan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2019 07:39 AM

MANILA - Arestado ang 5 lalaki na umano'y magnanakaw ng motorsiklo sa lungsod ng Caloocan, Huwebes.

Ayon kay alyas Len, isa sa mga biktima, Martes pa nang manakaw ang kaniyang motorsiklo sa tapat mismo ng kanyang bahay at makalipas ang 2 araw ay tsempong nakita niya ang isa sa suspek na bitbit ang mga markadong rim ng kaniyang motorsiklo.

Hinarang ni alyas Len at ng kaniyang mga kasamahan ang suspek at humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Nang puntahan ng mga awtoridad ang bahay ng suspek, tumambad sa kanila ang iba pang mga motorsiklo at iba't ibang mga pyesa.

Nasa mahigit 13 umano'y nakaw na motorsiklo ang nakumpiska ng mga kinauukulan.

Mahaharap sa kasong carnapping ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.