Tindahan ng appliances sa Zamboanga City, nasunog

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 10:29 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang tindahan ng mga appliances at iba pang produkto ang nasunog sa Calle Governor Lim, Zamboanga City nitong Huwebes ng tanghali.

Ayon sa may-ari ng tindahan na si Ibrahim Zada, isang Pakistani, maaaring sa bodega na nasa ikalawang palapag ng gusali nagsimula ang sunog, dahil dito umano niya unang nakita ang makapal na usok.

Hindi na nailabas ni Zada at ng kaniyang mga empleyado ang kanilang mga benta sa tindahan, dahil mabilis kumalat ang apoy.

Makapal na rin ang usok sa loob ng tindahan nang dumating ang mga bombero, kaya't nahirapan sila sa paghahanap ng pinagmulan ng apoy.

Ayon kay District Fire Marshall Superintendent Jhufel Brañanola, dahil ito sa mga highly combustible material na nasa loob ng tindahan.

Pasado 4:30 na ng hapon nang magdeklara ang Bureau of Fire Protection ng fire out.

Umabot nang mahigit apat na oras bago naapula ng mga bombero ang apoy sa loob ng tindahan, pero ayon kay Brañanola wala namang nasaktan sa nangyaring sunog.

Hindi pa rin matukoy sa ngayon ng mga bombero kung ano ang pinagmulan ng apoy at kung bakit hindi agad ito naapula ng mga empleyado at may-ari ng tindahan.

Nagsara naman ng ilang oras ang ilang katabing tindahan sa lugar dahil sa makapal na usok mula sa nasusunog na tindahan.

Nagkaroon din ng heavy traffic build up sa ilang daan sa sentro ng lungsod dahil pansamantalang isinara ang Calle Governor Lim.

Inaalam pa ng mga bombero sa may-ari ng tindahan kung magkano ang halaga ng mga nasirang produkto at ari-arian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.