20 menor de edad sa kalsada, nasagip sa Novaliches

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 11:27 PM

MAYNILA - Nasagip ng mga awtoridad ang 20 menor de edad sa ikinasang "Oplan Sagip Batang Solvent" sa Novaliches, Quezon City nitong Huwebes.

Ang mga bata ay nakitang palaboy-laboy sa mga lansangan pasado alas-9 ng gabi at ang ilan naaktuhan pang may hawak na supot na may lamang solvent gaya ng rugby.

Ayon kay PDEA Director Emerson Margate, hepe ng programa, target nilang ma-reform ang mga kabataang umagamit ng solvent sa pamamagitan ng pagdala sa kanila sa isang shelter kung saan tutulungan silang makapagbagong buhay.

Bago nito ay ia-assess muna ng Quezon City Social Services Development Department ang mga bata kung gumagamit ng solvent at aalamin kung gaano katagal nila kailangang ma-detoxify. 

Kailangan umanong kumpletuhin ang programa bago maibalik sa mga magulang.

Ilan sa mga batang nakausap ng ABS-CBN News ang umaming gumagamit ng solvent para makalimot sa problema o di kaya ay para maibsan ang matinding pagkagutom kapag wala silang makain.

Aminado si SSDD youth Development Officer Adronico Metran na hindi madaling masolusyonan ang problema sa pagkalulong sa solvent ng mga kabataang galing sa mahihirap na pamilya kaya kailangan ng pakikipagtulungan ng komunidad gaya ng mga brgy officials para mabantayan ang kabataan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.