Social media accounts ng Maute, pinasasara

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 08:35 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:21 AM

Bukod sa bala at bomba, social media ang lumalabas ngayong pinakamakapangyarihang armas ng Maute group para ipakalat ang kanilang mapanganib na ideolohiya.

Kaya naman aarestuhin na sa kasong ‘cyber sedition’ o online sedisyon ang isang suspek na konektado umano sa Maute. 

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Rodolfo Salalima, maituturing na cybercrime ang paggamit sa internet para udyukan ang ibang mamamayang lumaban sa gobyerno o kaya’y tumulong sa mga terorista.

Hindi muna pinangalanan ng kalihim ang suspek, pero sinabi niyang maituturing ding ‘cyber rebellion’ ang asunto.

Aniya, nakikipagtulungan din ang DICT sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para mapatanggal din ang mahigit 60 social media accounts ng mga umano’y miyembro o kaya’y nakikisimpatya sa mga terorista.

Tugon ng Facebook, mahigpit nilang ipinagbabawal sa kanilang online community ang anumang grupo o indibidwal na sumusuporta sa terorismo. Aalisin din nila ang mga account at posts na lumalabag sa kanilang polisiya kontra terorismo.

Basehan ng batas militar, dininig

Gumulong na ang tatlong araw na oral arguments o pagdinig ng Korte Suprema sa tatlong petisyong kumokontra sa Proclamation No. 216 na nagdeklara ng batas militar sa buong Mindanao.

Giit ng kampo ng petitioners, walang sapat na basehan ang deklarasyon ng martial law at suspensiyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus na proteksiyon laban sa illegal detention.

Bagama’t aminado ang petitioners sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman na may ‘armed conflict’ sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute group sa Marawi, hindi raw iyon matatawag na isang rebelyon o paghihimagsik na isa sa dalawang basehan ng 1987 Constitution para ideklara ang batas militar. Isa pang itinakdang basehan ng saligang batas para sa martial law ay ang ‘invasion’ o pananalakay. 

Dagdag ng petitioners, nag-ugat umano ang sigalot nang tangkain ng gobyerno na ihain ang mga ‘warrant of arrest’ laban kina Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf at sa magkapatid na Maute. Hindi anila kailangan ang martial law para supilin o tugisin ng militar ang mga armadong terorista.

Umano’y pang-aabuso sa batas militar, papapanagutin: Malacañang

Tiniyak ng Malacañang na pananagutin nila ang lahat ng mapapatunayang umabuso sa umiiral na batas militar sa Mindanao.

Kasunod ito ng liham na ipinadala kay Defense Sec. Delfin Lorenzana ng Lanao Del Sur chapter ng Integrated Bar of the Philippines tungkol sa umano’y paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng batas miiltar. Ipinunto ng grupo ang mga ilegal daw na paghahalughog at pagkuha ng mga tauhan ng gobyerno sa ilang pag-aari ng mga sibilyan.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, sinabi ng Pangulo na paparusahan ang lahat ng nagmalabis at nang-abuso sa ngalan ng martial law.

Kinumpirma rin ni Abella na may impormasyon na ang administrasyong Duterte kaugnay sa plano ng Maute na kubkubin ang Marawi City bago pa man umatake ang mga terorista. Alam daw iyon ng mga opisyal na nananatili raw may kontrol sa sitwasyon kahit pa noong sila’y bumibisita sa Russia.

Giit ni Abella, posibleng mas malala pa ang naging sitwasyon ngayon kung hindi naging maagap ang puwersa ng gobyerno para mabulilyaso ang balak ng mga terorista na lumusob maging sa iba pang lugar sa Lanao del Sur. 

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.