Mga bayani sa Marawi, ipinagluluksa ng bayan

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 07:49 PM | Updated as of Jun 14 2017 01:47 AM

Bukod sa kuwento ng kabayanihan, alaala ng kabutihan ang iniwan ng mga sundalong namatay sa giyera sa Marawi. 

Kahit na sugatan, pinilit ni Pfc. Fritz Gerald Carido na tumayo sa kanyang wheelchair para yakapin ang kamag-anak na nasawi sa bakbakan sa Marawi: si Pfc. Eddie Cardona. 

Magkasama silang dalawa sa bakbakan. 

Para naman sa pamilya ni Cardona, hindi lang sa Marawi naipakita ng nasawing sundalo ang kanyang kabayanihan. Bata pa lang ito ay maaasahan na at nagmamalasakit na sa pamilya. 

Bago ito bawian ng buhay, naipagpatayo niya ng bahay ang kanyang ina. 

Bago rin ang bakbakan, tila alam na ni Cardona na hindi na magtatagal ang kanyang buhay. 

“Noong birthday naman po niya, ang sabi niya sa akin, ‘Ate, maligo tayo!’ Sabi ko, ‘Bakit?’ ‘E, birthday ko e.’ ‘Wala naman sina nanay. Next time na lang.' Sabi niya, ‘Ayaw mo? Sige, birthday ko e. Ngayon mo lang ako makakasama’,” kuwento ng kanyang kapatid. 

Hindi naman malilimutan ng pamilya at mga kaibigan ni 1Lt. Raymond Abad ang kanyang kaarawan kahapon, Lunes. 

Sa birthday cake na itinabi sa kanyang kabaong ipinahihiwatig ng mga kamag-anak at kaibigan na kahit wala na ito, buhay ang iniwan niyang magagandang alaala. 

Umaasa ang mga pamilya ng mga namayapang sundalo na sana ay maalala sila ng sambayanan, hindi lang sa kanilang kamatayan, kung di sa kabutihang isinabuhay nila. 

Bandila naka-half mast 

Sa harap ng pagluluksa ng sambayanan para sa mga bayani ng Marawi, naka-half mast simula ngayong Martes ang mga bandila ng Pilipinas sa lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga kampo sa pagsisimula ng unang araw ng trabaho ngayong linggo. 

Ito ay bilang pagbibigay-pugay at pagkilala sa 58 sundalo at pulis na nasawi sa Marawi City. 

Kasabay naman ng flag raising ceremony kaninang umaga sa Malacañang ay inilagay sa half-mast aang bandila sa harap ng New Executive building.

Hinihiling din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lahat ng Pilipino, anumang paniniwala o ethnic group ang kinabibilangan, na umusal ng maikling panalangin para sa mga tropa ng pamahalaan at inosenteng sibilyang nasawi sa bakbakan. 

Isang tribute din ang ibinigay ng AFP at Malacañang para sa mga 'fallen soldiers' na sabayang ipinalabas at ipinarinig sa mga telebisyon Lunes ng tanghali. 

-- May ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.