Water interruption nagbabadya sa pagsadsad ng imbak sa Angat Dam

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 07:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang Maynilad at Manila Water sa posibilidad na muling magkaroon ng water interruption dahil sa malapit nang pagsadsad ng antas ng tubig sa Angat Dam.

Nasa 164.4 metro ang water level ng Angat Dam nitong umaga ng Miyerkoles. Sa loob ng 10 araw o mas maaga pa, bababa ito sa 160 metro, na itinuturing na kritikal ng mga water concessionaire.

Pinaghahandaan na ng Maynilad at Manila Water ang patuloy na pagbaba ng antas ng tubig na maaari umanong mauwi sa pagbawas ng kanilang alokasyon at maging sanhi ng panibagong rotational water interruption. 

"Kapag 'yong dumi sa tubig na nakukuha from the low-level outlet ay di kaya ng ating planta, kinakailangan nating magbawas ng produksiyon," ani Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla.

"Nag-stock naman kami ng mga water treatment chemicals na posibleng tataas ang aming konsumo para lang ma-address 'yong tinatawag na manganese saka 'yong high turbidity sa Angat," ani Ronald Padua, tagapamuno ng water supply operations sa Maynilad.

Pero tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) na walang bawas sa alokasyon ng Maynilad at Manila Water galing Angat Dam hanggang Hulyo.

Sinubukan na rin daw ang tinatawag na low-level outlet sa Angat Dam na huling ginamit noong 2010 at bubuksan kapag bumaba sa 160 metro ang water level.

"May question of water quality, 'yon 'yong binabantayan natin, mino-monitor natin but for now, mukhang manageable 'yong water quality issue," ani NWRB Executive Director 

Nakisuyo naman ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa mga miyembro ng katutubong pangkat na Dumagat na magsagawa ng rain dance, isang ritwal na humihiling sa diyos ng kalikasan para umulan at muling mapuno ang Angat Dam. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.