Pulis, tiklo sa pangingikil sa Cagayan De Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 06:24 PM

CAGAYAN DE ORO CITY—Arestado ang isang babaeng pulis sa ikinasang entrapment operation sa isang fast-food chain sa Velez Street, Miyerkoles ng hapon.

Nakakulong na ngayon sa Maharlika Detention Cell ng Cagayan de Oro City Police Office ang suspek na may ranggong Patrolwoman.

Ayon kay Cagayan de Oro City Police Spokesperson Lt. Col. Mardy Hortillosa, kinilkilan ng P3,000 ng suspek ang isang aplikante ng non-uniformed personnel ng Philippine National Police.

Pinangakuan niya itong matatanggap sa trabaho kapag nagbayad sa kaniya.

Sasampahan ng kasong robbery-extortion ang suspek habang isusunod naman ang kasong administratibo.

May 10 taon na sa serbisyo ang suspek na nadestino na sa iba’t-ibang unit ng pulisya sa lungsod. Huli siyang nadestino sa Police Station 4 Carmen pero naka-sick leave ito at nakatakda sanang bumalik ngayong Biyernes, Hunyo 14.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag sa media ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.