Hakbang para mapabilis ang konstruksiyon ng Sangley airport inilatag

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinisimulan na ng Department of Transportation ang pagpapabilis sa konstruksiyon ng Sangley airport sa Cavite City. 

Ito ay matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang pagpapatayo nito para mailipat na roon ang piling mga flight mula sa Ninoy Aquino International Airport pagdating ng Nobyembre. 

Dating naval station ng Estados Unidos ang Sangley Point noong 1971 at ngayo'y ginagamit na ng Philippine Navy at Air Force. Dito na rin lumipat ang ilan sa mga pribadong eroplano mula sa NAIA. 

Ayon sa Department of Transportation, gagawin nila ang makakaya nila para makamit ang layunin ni Duterte. 

"We are doing everything possible if we have to work 24/7 we'll do that based on the directions of the President,” ani Manuel Tamayo, Undersecretary for Air and Aviation ng DOTr. 

Ayon pa sa DOTr, binibigyang-pansin nila ngayon ang paggawa ng drainage dahil nagiging isyu umano sa paggawa ang pagbabaha sa lugar, lalo na't katabi nito ang Manila Bay. 

May plano din umanong taasan ang lupa at tuloy-tuloy ang construction ng hangar o ang magiging parking area ng mga eroplanong pinatatakbo ng turbo propeller. 

Magdadagdag na rin ng mga manggagawa simula Huwebes. 

Nasa isang oras ang layo ng dalawang paliparan kaya plano ng DOTr na buhayin ang ferry para may magamit ang mga pasahero pa-Maynila. 

"Definitely the land is the primary 'di ba? By land is the primary but unfortunately, ma-traffic. We are reviving the ferry service... Mabilis ang ferry service, walang traffic ‘yan,” ani Tamayo. 

Suportado naman ng malalaking local airlines sa bansa, tulad ng Cebu Pacific, ang hakbang ng gobyerno na maglipat ng ilang flight sa Sangley. 

"We support efforts to improve NAIA and will work with the government to achieve this. Transferring General Aviation or private aircraft movements to Sangley will yield immediate positive results for NAIA," ani Cebu Pacific sa pahayag. 

"We will continue to cooperate with government on other measures that will make the passenger experience better," dagdag nila. 

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.